Kumilos ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamumuno ni Governor Sol Aragones upang tugunan ang eekto sa transportasyon na dulot ng transport strike at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Inilunsad ang Libreng Sakay Program ngayong Abril 13, 2026, para matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga pasahero sa buong lalawigan habang apektado ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Governor Aragones, layunin ng programa na maibsan ang epekto ng krisis sa langis sa mga pasahero at mga driver.
May ilang transport group at pribadong kumpanya na agad sinundan ang inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan.
Sa mga rutang Santa Cruz, Laguna at Lumban, Laguna, ipinatupad ng mga jeepney driver at operator ang rotation system kung saan limang jeepney lamang ang pinapayagang bumiyahe sa isang araw, kasunod ang panibagong limang unit sa nakatakdang iskedyul.
Ayon sa mga transport group, bahagi ito ng koordinadong hakbang para mapanatili ang limitadong biyahe, mabawasan ang epekto ng problema sa langis, at maiwasan ang ganap na paghinto ng operasyon sa mga ruta. Kaugnay nito, ipinaalala rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang posibleng parusa, kabilang ang pagkansela ng prangkisa, para sa mga lalahok sa transport strike.
Bilang tugon, nagpadala ang pamahalaang panlalawigan ng mga shuttle upang maihatid ang mga pasahero sa mga pangunahing ruta sa Laguna.
Sakop ng Libreng Sakay ang mga rutang Los Baños, Bay, Victoria, Pila, Majayjay, Liliw, Magdalena, Famy, Paete, Kalayaan, Lumban, at Pagsanjan, kasama ang mga hintuan tulad ng Olivarez Los Baños, Bay Arch, Bay District Hospital, Victoria Itik Park, Pila Junction, Pagsawitan, at Sta. Cruz Municipal Hall.
May mga lokal na pamahalaan at komunidad din na nagbigay ng libreng biyahe sa mga apektadong residente sa Duhat, Pagsawitan, Oogong, Pagsanjan, Magdalena, Santa Cruz, Liliw, Biñan, at Majayjay.
Naglaan din ng shuttle ang ilang pribadong kumpanya para sa kanilang mga empleyado upang maipagpatuloy ang pagpasok sa trabaho at mapanatili ang operasyon ng mga negosyo.
Layunin ng magkatuwang na hakbang na mapanatili ang galaw ng mga pasahero at maiwasan ang matinding abala sa ekonomiya ng lalawigan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at problema sa transportasyon.
Mananatiling bukas ang Libreng Sakay Program hanggang Miyerkules.










Leave a Reply