Silang Livestock Agriculture Cooperative, Inilunsad Bilang Bagong Learning Site for Agriculture ng ATI CALABARZON

Opisyal na inilunsad ang Silang Livestock Agriculture Cooperative (SLAC) bilang pinakabagong Learning Site for Agriculture I (LSA I) ng DA-ATI CALABARZON na matatagpuan sa Brgy. Litlit, Silang, Cavite.

Ang SLAC, na nag-umpisa bilang isang tricycle operators and drivers association (TODA) noong pandemya, ay benepisyaryo ng 30-sow level multiplier and technology demonstration farm sa DA-ATI CALABARZON na bahagi ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program.

Bukod dito, benepisyaryo rin ang samahan ng iba’t ibang pagsasanay mula sa DA-ATI CALABARZON, International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH), at DA-Regional Field Office CALABARZON. 

Mahalagang hakbang ang paglulunsad sa pagpapalakas ng kaalaman, teknolohiya, at praktikal na kasanayan sa industriya ng pagbababuyan sa bayan ng Silang at buong rehiyon.

Pinangunahan ang aktibidad ng DA-ATI CALABARZON sa pangunguna ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr. 

Ayon kay Dr. Maningas, “Masaya sa aming pakiramdam na isa na namang achievement ang napagtagumpayan ng Silang Livestock Agriculture Cooperative bilang LSA I, kasunod ng pagkilala sa kanila bilang Best Implementer Awardee para sa 2023 Swine Multiplier and Techno-Demo Farm Project sa ginanap na 2025 INSPIRE Program Congress.” 

Bilang isang LSA, magsisilbing sentro ang kooperatiba ng aktuwal na pagkatuto, pagbabahagi ng teknolohiya, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka at livestock raisers sa komunidad.

Dumalo sa paglulunsad ang mga kinatawan mula sa pambansa at lokal na pamahalaan at iba’t ibang katuwang na ahensya, kabilang sina Assistant Secretary for Swine and Poultry Michael Jay Garcia; G. Mark Jacob Espineli, kinatawan ng Provincial Veterinary Office ng Cavite; Agricultural Program Coordinating Office ng Cavite na si Bb. Lorena Jimeno; G. Romeo Toledo, Konsehal at Chairperson ng Silang Committee on Agriculture; Municipal Agriculturist Shirley Villela; at Municipal Administrator  Audie Madrideo. 

Ipinakita ng kanilang presensya ang matibay na suporta ng iba’t ibang ahensya sa kooperatiba at sa patuloy na pagpapaunlad ng sektor ng paghahayupan sa lalawigan.

Ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) at ang pormal na sertipikasyon ng SLAC bilang LSA ay nagpapatibay sa papel nito bilang katuwang ng DA-ATI CALABARZON sa paghahatid ng makabuluhan at praktikal na serbisyong pang-ekstensyon—tungo sa mas matatag na industriya ng paghahayupan at kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon.

Ulat ni: Jannah I. Sarvida (Development Management Officer I / PAS)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *