25 FCAs ng CALABARZON, kaisa sa 3rd Regional CSO Summit sa Laguna

Kaisa ang 25 Farmers' Cooperatives and Associations (FCAs) ng CALABARZON sa idinaos na ikatlong Regional Civil Society Organization (CSO) Summit ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON Planning, Monitoring and Evaluation Division noong ika-1 hanggang ika-2 ng Oktubre sa National Irrigation Administration IV-A Training Center sa Pila, Laguna.

Bahagi ito ng patuloy na pagpapalakas ng ugnayan at kolaborasyon sa pagitan ng DA, mga CSO, at iba pang national government agencies. Layunin ng summit na ipakilala ang mahahalagang programa at impormasyon hinggil sa papel ng mga CSO sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-agrikultura at pangisdaan.

Idinetalye rin dito ang proseso ng akreditasyon ng CSOs sa ilalim ng DA, na nagsisilbing mekanismo upang kilalanin at bigyan ng awtorisasyon ang mga samahan na kwalipikadong lumahok sa mga programa at aktibidad ng ahensya.

Nais ng DA na tiyaking inklusibo at epektibo ang implementasyon ng mga inisyatiba sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Kabilang sa mga kinikilalang CSO ang mga non-government organizations (NGOs), FCAs, people’s organizations (POs), indigenous peoples (IPs), at iba pang grupong may layuning itaguyod ang kaunlaran sa sektor.

Hinikayat ni RTD for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo ang mga FCAs na magpa- accredit sa CSO upang masiguro ang pagtanggap nila ng serbisyo at tulong mula sa pamahalaan, na direkta, sapat, at talagang makakatulong sa kanilang samahan.

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *